PAGDAONG NG KULTURANG KRISTIYANISMO ni Ryan Troy J. Gatdula



LIBAD FESTIVAL







     Tuwing ika-23 ng Hunyo ating natutunghayan ang taunang Libad Festival dito sa Bayan ng Calumpit. Ang mga makukulay at naglalakihang bangka na ginagagayakan ng iba't ibang uri ng mga palamuti,na siyang pumupukaw sa mata ng mga turistang dumadayo tuwing araw ng kapistahan. Tuwang-tuwang kumakanta at sumasayaw ng may halong galak ang mga taga-bayan upang “binyagan” ang mga dumadaan. Handa kana bang masaksihan ang kagandahan ng mga naglalakihang bangka? Halika at ating balikan ang mga masasayang kaganapan sa bayan ng Calumpit.

 

     Ang bayan ng Calumpit sa lalawigan ng Bulacan ay nagbibigay pugay sa patron nitong si San Juan Bautista sa pamamagitan ng fluvial procession o libad. Hinango ang pangalan ng pagdiriwang na ito mula sa salitang “libad,” na nangangahulugang “iniikutan o nililibaran.” Ang mga bangka sa kahabaan ng ilog ng Calumpit ay sumusunod sa isang pagoda kung saan inilagay ang imahe ni San Juan Bautista bilang isang paraan upang magpasalamat sa mga biyaya ng bayan at sa taon taong pag-gabay. Ang bayan ng Calumpit ay may taglay na mahalagang kasaysayan sapagkat ito ang unang bayan sa Bulacan na tumanggap sa paniniwalang Kristiyanismo, isa rin sa pinaka matandang simbahan sa Bulacan ang simbahan ni Apo Juan. Kabilang din sa paraan ng pag-gunita sa kasaysayan na ito ay ang babaybayin ng mga bankang dumalo ang kahabaan ng ilog ng Calumpit na nagtatagal ng isang buong maghapon.

 

     Sa ganitong paraan ng pagdaraos ay hindi masusukat ang kasiyahan naidudulot ng pagdiriwang na ito sa mga Kalumpitenyo. Bawat barangay sa bayan ng Calumpit ay may bangkang kinakatawan kung saan maririnig ang iba't ibang uri ng musika na sinasabayan ng mga mananayaw ng bawat pangkat.

 

     Umaga pa lamang ay makikitang abala na ang mga tao na sinisiyasat ang mga parte at motor ng bangka na nasa daungan sa barangay Gatbuca. Gayun din naman ang iba na abala naman sa pag-aayos ng mga disenyo at palamuti sa bangkang ipuprusisyon sa daang ilog na tatahakin. Ang mga bayan ng Plaridel, Pulilan, Hagonoy at Apalit ay kabilang sa madaraanan ng libad, bunga ng pagtahak sa kailugan ng angat at bahagi ng Pampanga. Isa ding bahagi ng selebrasyong ito ang basaan ng mga taong nagsipagdalo sa parada ng tubig na sya namang nagpapasaya sa mga tao hindi lamang sa mga bata kung hindi pati narin sa mga matatanda. Ang tradisyon na ito ay sumasalamin sa pagbinyag na ginampanan ni San Juan Bautista kay Hesukristo at itinuturing na pinakaunang binyag na naganap.

 

     Ang Pista ng Libad ay nagsisilbing isa sa mga pangunahing atraksyon sa bayan ng Calumpit. Nagbibigay ito ng malawak na oportunidad sa pagpapaunlad ng turismo sa nasabing lugar. Kabilang din ang Libad Festival sa pagkakakilanlan ng Calumpit at ng mga Kalumpitenyo. Kaya naman matindi ang kahalagahan at bigat na taglay ng kasaysayan ng Libad Festival. Isa ito sa yaman ng ating lugar na kailanman ang sayang naidudulot nito ay hindi mapapantayan ng kahit anong aktibidad. Isang yaman na kailanman ay hindi kayang palitan ng anumang bagay, dahil dito napagtitibay at nabibigyang kahalagahan ang tradisyon na ating kinagisnan. Mananatili sa puso at isip ng mga tao hanggang sa susunod na mga henerasyon.

 

Mga Komento