DINAGYANG FESTIVAL
Tampok na sa Pilipinas ang Pistang Dinagyang kaya naman hindi nakapagtataka na nakatatak na sa puso't isip ng mga tao ang mahiwagang karanasan na matatamasa sa pistang ito. Ang katamtamang panahon ng lungsod, ang mga katutubong buhay na buhay ang mga diwa at ang kanilang masidhing pagmamahal sa kanilang kultura. Lahat ng mga ito ay masasaksihan sa sentro ng yugto sa panahon ng Dinagyang.
Ang Dinagyang ay isang salitang Ilonggo na nangangahulugang magdiwang at magkaroon ng kasiyahan. Ito ang kanilang bersyon ng Ati-Atihan na orihinal na nagmula sa Aklan. Sumibol ang Dinagyang matapos italaga ni Ambrosio Galindez ang debosyon sa Santo Niño. Nang sumunod na taon, naghandog ng isang replika ng orihinal na imahen si Padre Sulpicio Enderez ng Cebu bilang tanda ng katapatan ng parokya ni San Jose sa Iloilo, kaya naman ang pistang ito ay tumatak bilang isang relihiyosong kapistahan. Noong una ay kakaunti lamang ang mga tribung dumadalo sa parokya hanggang sa dumami na ang sumasali taun-taon at naging mas makulay at masigla na ang mga naging selebrasyon. Ang Kasadyahan ay isa sa mga pangunahing kaganapan, ito ay isang dramatisasyon ng mga Datu mula Borneo at ang sumusunod na kolonisasyon sa isla ng mga Espanyol. Isinagawa ito sa pamamagitan ng sayaw kung saan naipakikita rito ang kultura at ibang bahagi ng kasaysayang Pilipino. Ito ay bumabase sa tema ng dramatisasyon at galing sa pag-indak. Ang Dinagyang Festival ay isang kultural na pagdiriwang sa lungsod ng Iloilo upang bigyang pugay ang Santo Niño. Idinaraos ito tuwing ikaapat na Linggo ng Enero o pagkatapos ng Ati-Atihan sa Aklan at Sinulog sa Cebu.
Ipinagdiriwang ito sa pamamagitan ng nakamamanghang kasuotan na yari sa katutubong materyales, pagpipinta ng itim sa katawan ng mga mananayaw at kahangahangang pag-indak ng iba't ibang tribu. Ang paligsahan ng mga tribu ng Ati ang inaasam na mapanood ng mga turista sapagkat ito ang pinakamahalagang bahagi ng pista. Ito ay binubuo ng mga mandirigmang mananayaw na may bitbit na kalasag at sibat na yari sa katutubong materyales, habang sumasayaw ay may mga tunog ng mga tambol at iba't ibang instrumentong dinadamba na nilikha ng mga kanikanilang tribu. Makikita rin sa pistang ito si Dagoy ang opisyal na mascot ng Dinagyang, itinanghal siya bilang batang mandirigmang Aeta, kayumanggi ang balat at may headdress na may disenyo ng Santo Niño. Sumisimbolo siya bilang pundasyon ng kasiyahan at pakikipagsandugo ng mga Ilonggo sa mga turistang nakikilahok sa pagdiriwang.
Sa pamamagitan ng pistang ito, makikita natin ang pagkakaisa at pagmamahalan ng bawat tao na may ngiting tinatatamasa na walang maaaring umangkin. Ang pistang ito ay sumasalamin sa ating masidhing pagmamahal sa kultura na walang makatutumbas. Umaapaw na galak at pusong umaalab kaya naman taas noo nating tangkilikin ang kulturang sariling atin.
|
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento