REGALO NG TUNAY NA KASARINLAN ni Allan F. Magtoto II



SINULOG FESTIVAL







      Likas sa ating mga Pilipino ang pagiging masiyahin sa mga bagay-bagay, kaya naman hindi natin maikakaila na napakarami nating ipinagdiriwang sa ating bansa tulad ng iba't ibang kapistahan o festival. Halina't sabay-sabay nating tuklasin ang kultura at kahalagahang handog ng tinaguriang pinaka sikat na kapistahan sa Pilipinas, ang Sinulog Festival.

 

     Isa itong relihiyosong pista na ipinagdiriwang sa tuwing sasapit ang buwan ng Enero sa Cebu bilang pagpaparangal sa isang makasaysayang reliko ng bansa na Sto. Niño de Cebu (sanggol na imahen ni Hesus). Ang estatwang ito ay ang inihandog ng manlalakbay na si Ferdinand Magellan kay Rajah Humabon noong 1521. Ang makasaysayang kaganapang iyon ay ang naging hudyat ng pag-usbong ng Kristiyanismo sa ating bansa.

 

     Ipinagdiriwang ito sa pamamagitan ng pag-indak kasama ng imahen na sinasabayan naman ng mga nakaaaliw na tugtugin ng iba't ibang instrumento gaya ng tambol. Ito ay dahil sa ang salitang "Sinulog" na nangangahulugang "masayang sayaw" ay nagmula sa salitang "sulog" na ang ibig sabihin naman ay "daloy ng tubig" na nirerepresenta ng mga galaw na pasulong at paaatras . Ayon sa kasaysayan nagsasayaw sa tuwa ang asawa ni Rajah Humabon na si Reyna Juana nang matanggap niya ang banal na imahen ng Sto. Niño. Isa rin sa mga pinaniniwalaan na pinagmulan ng sayaw ng sinulog ay ang tagapayo ni Humabon na si Baladhay na natagpuang sumisigaw at sumasayaw sa kadahilanang "kinikiliti" raw siya ng imahen.

 

    Bukod sa banal na reliko, sayawan at tugtugan ay tampok din sa selebrasyong ito ang masasarap na handaan, isa na rito ang pinakasikat sa Cebu na lechong baboy. Milyun-milyong mga tao o mga turista ang dumarayo upang makiisa sa natatanging kaganapang ito. Samahan pa ng makukulay na kasuotan ng mga nagsasayaw na talaga namang masasalamin mo ang kultura ng ating bansa. Tuwing ika-apat ng umaga ng Linggo ay nagtitipon na ang mga tao sa Basilica Minore del Santo Niño, dito nakalagak ang banal na imahen. At pagsapit ng ika-8 ng umaga ay magsisimula na ang masayang tinaguriang Grand Festival Parade na tatakbo mula 9-12 na oras, maririnig sa mga tao ang sigaw na "VIVA SENIOR STO. NIÑO" at ang mga katagang "PIT SENIOR". Sa Gabi naman ay may mga pyromusical shows kung saan makikita ang kahalihalina at nagkikislapang fireworks display.

 

    Tunay nga na dapat parangalan ang makasaysayang kaganapang ito. Bukod sa sinasalamin nito ang tunay na kagandahan ng kultura ng ating bansa ay ipinapaalala nito sa atin ang pagkakamit natin ng ating kasarinlan bilang mga Kristiyano. Punong-puno ng kagalakan at pagdiriwang, mga kakaibang karanasan na sumisimbolo sa kasaysayang bumago sa paniniwala nating mga Pilipino.

 

Mga Komento